Buong akala ko ang palo ni nanay ang pinakamasakit.
Tingin ko sa sarili ko, ako na yata ang pinakabugbog na bata sa buong daigdig. Minsan papasok ako sa skwelang luhaan, minsan naman may pasa at minsan naman ay duguan pa.
Pero alam kong ginawa ni nanay yun dahil nagkamali ako.
Ginawa nya yun para ipaalala sa akin ang mga maling nagawa ko; upang ako'y matuto at magtanda.
Oo, tama si nanay, mali talaga yung mga nagawa ko, kaya niya ako pinapalo.
Pero dahil dun, akoy natuto; ako'y naging malakas, naging matatag at naging disiplinado.
Salamat, nay!
Naabot ko ang aking pangarap, naging malakas akong humarap sa mga pagsubok.
Pero may mas masakit pa pala sa palo ni nanay.
Yung palo na wala mang bagay na hinahampas pero ito'y tagos sa puso. Puso'y nagdurugo, nagkasugat-sugat, ilang buwang ramdam ang kirot hanggang sa naghilom, pero ito'y nag-iwan ng isang malaking latay.
Ang latay na kailanmay di na maaalis sa aking puso. Ito'y para bang peklat na kapag kakamutin ay pwede pang dumugo ulit at mararamdaman ang kirot. Ang peklat na ito ay nagsilbing paalala sa isang mapait na kahapon pero nagbibigay naman ng isang magandang aral.
Mga aral na kailanma'y hindi itinuro nung nag-aaral pa lamang ako, hindi itinuro ng aking mga magulang at ni minsan itinuro kanino man.
Sapagkat matutunan mo ang mga aral na ito pag naranasan mong madapa, masugatan at muling bumangon.
Kaibigan, kung ano man ang pagsubok na meron ka ngayon, iyan ay isa lamang sa mga bagay na magbibigay aral sa buhay mo.
Walang permanente sa mundo, ang mga yan ay lilipas din.
Huwag mo naman sanang sisihin ang kanino man dahil lahat ng dumating sa ating buhay, masakit man ito, ito'y isang tagong biyaya na pinagkaloob sa atin; upang tayo'y maging malakas at maging handa para sa hinaharap.
Mabuhay ka, kaibigan.
Itutuloy...
No comments:
Post a Comment